Paano magpipista kapag dalawang taon nang nawawala ang anak mo? ni Rolando Tolentino Hindi ko kilala sina Nanay Connie at Tatay Oca. Kaya rin nag-atubili ako nang maimbitahan ng kakilala ng kakilala na dumalo sa pista sa kanilang baranggay sa Masinloc. Ang inisip ko, hindi pa ako napunta rito sa bahagi ng Pilipinas. Kaya mabuti itong pagkakataon. Hindi ko akalain na anim na oras pala ang biyahe, at tunay na pwedeng magluto ng pandesal sa upuan namin. Hindi tapos na bahay sa looban ng kalsada ang sa mag-asawa. Pangmeriendang oras na kami dumating. At dahil madalas ang kantyawan sa stopover na huwag magpakabusog, nagmistulang kaming hayok nang isa-isang inilabas ang pagkaing itinago para sa grupo. Ang mga hipon at talangka ay huli ng kuryente sa dalampasigan. Ang inihaw na bangus ay galing sa fishpen sa baybayin. Hindi na umabot ang malagkit na kanin. Napanis na sa kaantay dahil ilang oras pa lamang nagkakaroon ng kuryente, matapos ng bagyo ilang araw pa lang ang nakararaan. May refrigerator cake din na inihanda. At gaya nang pamimista, labaspasok ang mga tao. Maraming ipinakikilala, at nag-uusyoso ang mga kapitbahay. At nang matapos ang mabilis na pagkain, nagusap naman kung ano pa ang gagawin kinabukasan. Gusto raw mag-beach ng mga batang lalakeng kasama namin. Sige, magpi-picnic daw, sabi ni Nanay Connie. At nilibot niya kami sa kapaligiran ng bahay. Nagtumba ang mga puno ng mangga sa taniman ng kapitbahay. Naglipana ang pagkarami-raming manok sa bakuran. Na sabi nga ni Nanay Connie, ayon kay Tatay Oca, pwede raw silang kumain ng isang manok araw-araw at di mauubos ang mga ito nang isang taon. Imbes na ang tira ay ipakain sa aso, mga manok ang naghahabulan sa mumu. Nagposing kami sa isang nabuwal na puno ng manggang inakyat. Naging musmos ang lahat. Pinagtatawanan ang lahat nang pwedeng mapagtawanan: laki ng mga katawan ng kasama, imahinaryong pagaaring hacienda, pati ang kakulitan ng tahimik at cute na apo ng mag-asawa. Natuloy ang pagpunta sa beach. Umarkila sila ng isa pang tricycle para magkasya ang grupo. Pwedeng magsurfing sa beach sa Masinloc. Malakas ang alon dahil kababagyo nga lang. Kami ay nasa pampang lang at nag-aantay itulak ng inaabangang alon. Hindi pa nakuntento sa beach. Dinala rin kami sa ilog na pinagpipiknikan ng iba pang grupo. Nagtatalunan ang mga musmos at teenager sa ilog, samantalang ang grupo namin ay nagbababad lamang sa tagiliran ng ilalim ng kalsada. Sa panahon ng digicam, walang takot na magkukuha ng pix. Yung dalawang lalake ay panay ang posing dahil ilalagay raw nila sa kanilang Friendster. Dinala kami ni Nanay Connie sa kanyang paaralan. Prinsipal siya at nakasaad ito sa mga marker. Kami na ang pumansin nito. Hapon na nang bumalik kami sa bahay. Malakas ang buhos ng ulan. Naggagayak na kaming bumalik sa aming buhay sa Manila. Si Nanay Connie ay naggagayak ng pasalubong package para sa lahat: suman, mangga, kasoy wine, daing, at langka. Bawat isa sa amin ay binigyan niya rin ng trucker’s cap. Napayakap ako kay Nanay Connie. Gaya nang ibang nauna sa akin, hinalikan ko rin siya sa pisngi na para ko ring nanay. Tinapik ang balikat ni Tatay Oca. Naglakad kami habang nag-aantay ng tricycle pabalik sa sakayan ng jeep. Iniisip ko, para lang ba kaming multong nagpakita sa mag-asawa? Na tulad ng mga diplomang naka-laminate sa dingding at graduation picture ni Karen Empeno, estudyanteng dinampot at magdadalawang taon nang nawawala, ay nagpaparamdam nang alaala ng pagkakamit at kawalan? Nang pag-aantay at pagbabakasakali? Dumating kami pero hindi umalis. Dumating din sila sa amin at hindi kailanman aalis pa.